Wednesday, February 29, 2012

PARA SAAN ANG PAG IINSENSO?


Bilang altar servers, karangalan nating mahawakan ang thurible. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng paggamit natin ng insenso sa pagsamba?

Ang insenso ay simbolo ng PANALANGIN. Tulad ng pag-akyat ng mahalimuyak na usok nito, ang ating mga panalangin at pagsamba ay iniaakyat din natin sa Diyos.

Tuesday, February 28, 2012

"KUWARESMA"


Tayo ngayon ay nasa unang linggo na sa panahon ng kuwaresma.. ano nga ba ang ibig sabihin nito??

Ang panahon ng kuwaresma ay nagsisimula sa pagpasok ng Miyerkules de Abo na kung saan ang lahat ng mga kristyanong Katoliko ay pinapahiran ng abo sa noo, na ang ibig sabihin ay tayo ay nagmula sa alabok at babalik din sa alabok.. atin din iginugunita ang pagkamatay at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.. sa panahong ito tayo ay inaaanyayahang magbalik loob na sa ating Panginoong Diyos, magsisi at talikdan ang ating mga kasalanan.. tayo rin ay dapat nag-aayuno bilang paghahanda sa pagsalubong ng Pasko ng muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo..

Saturday, February 13, 2010

"BINYAG: PAGLULUBOG O PAGBUBUHOS"


Ayon sa (Marcos 1:9-10) si Jesus ay inilubog ng Binawtismuhan. Paano ipaliliwanag ng Katoliko ang kanilang tradisyon sa pagbabawtismo?

Ang pinagbabatayan nila rito ay ang salitang "Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig". Maari din namang lumusong si Jesus sa tubig na hahanggang bukong-bukong lang at binuhusan siya ng tubig ni Juan Bautista sa ulo para bawtismuhan, sapagkat imposibleng ilubog ka sa hanggang bukong-bukong na tubig. Ganon pa man ay hindi naman ito problema sa mga Katoliko sapagkat tinatanggap ng Simbahng Katoliko ang paglulubog bilang isang paraan ng paggawad sa Sakramento ng Binyag.

Ayon naman sa mga Pundamentalista ang paglulubog ang tamang paraan ng pagbabawtismo hindi ag pagbuhos lamang sa ulo ng binawtismuhan.

Kahit na wala kang mababasa sa Bagong Tipan sa pisikal na paraan sa paggamit ng tubig sa pagbabawtismo ay nakikipag-argumento ang mga Pundamentalista na ang tamang paraan ay ang paglulubog "by immersion". nakabatay sila sa salitang Griyego na "baptizo" na ang ibig sabihin sa tagalog ay ilubog, sa ingles naman ay "to deep into the water".

Totoo na kalimitan na ang kahulugan ng baptizo ay ilubog. Halimbawa, sa bersiyong Griyego ng Lumang Tipan ay sinasabi sa atin na si Naanam ay lumusong sa tubig at lumubog ng pitong ulit,(2 Hari 5:14).

Ngunit hindi lamang ilubog ang kahulugan ng baptizo, kung minsan ay paghuhugas "washing-up" ang kahulugang nito. Ganito ang sinasabi sa (Lucas 11:38) "Ngtataka ang Pariseo ng makita niyang kumakain si Jesus ng hindi naghugas ng kamay." Ang ginamit na salitang Griyego rito sa septuaginta ay "baptizo". Ganito naman ang sinasabi sa (Marcos 7:14) "Hindi rin sila kumakain ng anumang aling sa palengke ng hindi muna hinuhugasan". Ang ginamit na salitang Griyego rito sa septuaginta ay "baptizo" rin.

Kaya ang salitang "baptizo" ay hindi palaging pagbubuhos ang kahulugan. Minsan ang salitang "baptizo" ay ginagamit na may simbilkong kahulugan "used metaphorically". Sa (Lucas 12:50) ay ganito ang wika ni Jesus "May isang Bawtismo pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga't hindi natutupad ito." Ang tinutukoy ni Jesus sa talatang ito ay ang kanyang pagpapakasakit "suffering". Ang ibig bang sabihin ni ay ilulubog sa pagpapakasakit si Jesus?

Ganito ang tagubilin ni Jesus sa kanyang mga Apostol sa (Gawa 1:4-5) "At samantalang kasamasama pa nila, kanyang tinagubilin sila: "Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinasabi ko na sa inyo. Nagbabawtismo nga sa tubig si Juan ngunit di na magtatagal at babawtismuhan kayo sa Espiritu Santo". Ibig bang sabihin ng mga Pundamentalista ay ilulubog sa Espiritu Santo ang mga Apostol? hindi, sa halip ito ay ipinagkaloob. Sa Bibliyang ingles naman ay "poured". Sa (Gawa 2:17,18,33)) ay tatlong ulit na sinasabing ang Espiritu Santo ay ipinagkaloob o "poured".

DAPAT BANG BINYAGAN ANG MGA SANGGOL?

"Huwag binyagan ang mga bata" ang aral o Dogmang naririnig sa mga tumutuligsa sa mga Katoliko, 1500 taon pagkaraang maitatag ang kristiyanismo.

Ang Binyag ay isang panlabas na tanda sa panloob na biyaya ng ating natatanggap sa pagtanggap natin kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Sinasabi sa Bibliya na ipinagkaloob ng mga Apostol ang Binyag sa mga bata, sa mga nasa hustong gulang na at maging sa mga matatanda na. Ang Binyag ay hindi ipinagkakait sa mga bata. Walang sinaunang kristiyano ang sumusuporta sa pagkakait nito.

Sinasabi ni Pedro sa kanla (Gawa 2:38-39) "Magsisi kayo at magpabawtismo ang bawat isa sa inyo sa Pangalan ni Jesu-Kristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, at tatanggapin nyo ang kaloob ng Espirito Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya"

Noong panahon ni Jesus, ang pasusunat ang paraan ng paglalaan sa Diyos. Ang pagsusunat ay pinalitan ng mga Apostol ng Binyag. Iginagawad ang pagsusunat sa sanggol walong araw makaraang isilang ito.

(Colosas 2:11-12) sinasabi: "Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Nang kayo ay Bawtismuhan, nailibing kayong kasama ni Cristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na milng bumuhay sa kanya."

Makikita sa Bagong Tipan, iginawad ang Binyag sa buong pamilya, bata man o matanda. kailanman man hindi ipinagkait ang Binyag sa mga bata.

Bininyagan ni Pablo ang buong SAMBAHAYAN ni Estefenas (1 cor 1:16).

"Matapos na siya at ang kanyang SAMBAHAYAN ay nabawtismuhan". (Gawa 10:47-47).

"Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka ikaw at ang inyong SAMBAHAYAN." (Gawa 16:30).

"At si Crispo ang pinuno ng ng sinagoga ay nanamapalataya sa Panginoon, kasama ang buong SAMBAHAYAN". (Gawa 18:8)

Ang pagagamit dito sa Griyego ng "buong sambahayan" ay karaniwan ng ginagawa ng mga panahong iyon at kapag sinabing "buong sambahayan," kasama na rito ang matatanda at higit sa lahat ang mga bata sa loob ng tahanan.

Iniutos ni Jesus na ang Binyag ay kailangan ng bawat isa upang makapasok sa kaharian ng Diyos Sumagot si Jesus kay Nicodemo, "katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, maliban ang isang tao ay ipanganak ng tubig at Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos" (Jn 3:5). Hindi sinabi ni Jesus na "Maliban sa mga Bata" kundi "Maliban sa isang tao". Hindi dapat ipagbawal ang pagpasok ng mga Bata sa kaharian ng Diyos tulad ng nais ni Jesus.

Thursday, February 11, 2010

"ANG TANDA NG KRUS"


Marami ngayong mga taong nasa labas ng pananampalatayang katoliko ang nililibak at ginagawang biro ngayon ang pag-aantanda sa krus ng mga katoliko. Marahil narin sa kakulangan nila ng kaalaman tungkol sa Biblikal at makasaysayang saligan ng tradisyonal na Espiritwal na ito. Nag-aantanda tayo ng krus sa noo; nilalagyan natin ng krus ang ating mga simbahan at sinisimulan ang pagdiriwang ng mga sakramento sa parehong tanda.

"BATAYANG BIBLIKAL"


1.)PAGALAALA NA SI CRISTO AY NAMATAY SA KRUS SA IKAPAGPAPATAWD NG ATING MGA KASALANAN.

(1 Corinto 15:3) "Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin; si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa kasulatan."

2.) PAGGALANG SA TATLONG PERSONA.

(Mateo 28:19) "Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan na Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo."

3.) PAGMAMAPURI SA KRUS NI CRISTO.

(Galacia 6:14) "Ang krus lamang ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang siya kong ipinagmamapuri. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibuta'y patay na para sa akin at ako'y patay na para sa sanlibutan."

4.) PAGBIBIGAY KAHULUGAN SA KRUS NI CRISTO

(1 CORINTO 1:18) "Sapagkat ang salitang krus ay kahangalan sa mga napapahamak ngunit sa ating iniligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos.

Ang wika ng mga Protestante at Pundamentalista. Ito ang tatak ng halimaw na sinasabi sa (Pahayag 13:16) "Sapilitang pinatatakan ng halimaw, sa kanang kamay o noo, ang lahat ng tao--dakila at aba, mayaman at mahirap, alipin at malaya."

Ang sinasabi dito ay tatak. Iba ang ang kahulugan ng tatak "mark" sa antanda "sign". Ang nagiging malaking problema ng mga Protestante at Pundamentalista, sapagkat wala silang " Magisterium" kanya-kanya sila ng interpretasyon sa Bibliya kung kaya hanggang ngayon ay patuloy ang kanilang pagkakahati-hati. Napakarami na ngayong Bible Christian Churches, wala kang makitang nagkaisa ng interpretasyon sa Bibliya. Subukan ninyo, panuorin ninyo sa telebisyon ang programa ng Ang Dating Daan, pagkatapos panoorin ninyo rin ang programa ng Iglesia ni Cristo ni Manalo at iba pang programa ng mga Protestante, iba-iba sila ng paliwanag sa iisang talata ng Bibliya.

Ngayon,panoorin ninyo ang mga Misa ng Katoliko sa telebisyon sa iba't-ibang "channel", kahit sumimba pa kayo sa lahat ng Simbahang Katoliko sa buong Mundo, iisa ang paliwanag at diwa ng Ebanghelyo sa araw na iyon. subukin din ninyo na magtanong sa Pari sa Parokya sa iba't-ibang bayan tungkol sa "Catholic Teachings" iisa ang kanilang sagot. Ang ibig sabihin ay nagkakaisa ang katoliko sa kanyang mga aral "Roma 12:5)". Nagkakaisa ang mga Katoliko sa pagtatanggol ng Mabuting Balita (Filipos 1:27).

Nagkakaisa ang mga Katoliko sa pag aantanda sapagkat inaalala sa (Genisis 9:14-15) "Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang Bahaghari, aalahanin ko ang aking mga pangako sa inyo at sa lahat ng mga hayop. Hindi ko na lilipunin sa baha ang lahat ng may buhay."

Ang wika ng ni Moises sa mga Israelita kapag ipinagdidiwang nila ang araw ng kanilang paglaya buhat sa pagkaalipin sa bansang Ehipto ay ganito: (Exodo 13:9) " Ang pag-aalaalang ito'y magiging parang isang tanda sa inyong kamay o noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yaweh, pagkat inilabas niya kayo sa Ehipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan".

Ito ang wika ni Jeus sa (Juan 8:34-36) "Sumagot si Jesus, "Tandaan ninyo: alipin ng kasalanan ang lahat ng nagkasala. Ang alipin ay hindi kabilang sa sambayanan sa habang panahon, subalit ang Anak ay kabilang magpakailanman. Kapag kayo'y pinalaya ang Anak, tunay nga kayong malaya."

Samakatuwid ang pag-aantanda ng Katoliko bilang pagalaala sa pagpapalaya sa atin ni Cristo buhat sa pagkaalipin sa kasalanan ay hindi lumalabag sa Bibliya. Ang isa pa sa peoblema sa mga Protestante at Pundamentalista ay ginagawa nilang parang "techinical book, instruction manual or word book" ang Bibliya, hindi isang "Sagradong Aklat".


Paalaala:

Bilang Katoliko, minsan na pagnilayan kung ating bang naisasabuhay ang ibig sabihin ng tanda ng krus. Ito ba ay isang "Habit" na lamang ba sa ating buhay, itinuro ng ating mga magulang ngunit hindi naman natin nauunawaan? Ito ay kadalasang nagiging biglaang reaksyon na lamang sa pagkabigla o pagkatakot? Ang pagninilay sa bagay na ito maaring makatulong sa ating paglago sa pananampalataya.

Monday, February 8, 2010

"ANG KATOLIKO BA AY SUMASAMBA SA MGA IMAHE?"


Ang isang tao na nagmamasid lamang mula sa malayo ng pananampalatayang katoliko ay mabilis na nakapaghuhusga na ang katoliko ay sumasamba sa mga imahe. Marahil para sa iba, ang pagdadasal sa harapan ng isang larawan o rebulto ay hindi naiiba sa pagluhod ng mga pagano sa araw o buwan. Napakadaling sabihin na tayo ay walang personal na relasyon sa Diyos ama o kay Hesukristo sapagkat hindi naman nila nasisilayan ang tunay na nasa puso ng tao, isang bagay na Diyos lamang ang makatitimbang.

Ang kadalasan na pinanggagalingan ng kontrebersiya ay ang utos ng Panginoon sa Exodo 20:4 kung saan ipinagbabawal ang paglikha ng mga inukit na imahe na kahalintulad ng kahit anong nasa langit, nasa lupa o nasa tubig.

1.) IPINAGBAWAL NGA BA NG PANGINOON ANG PAGLIKHA NG MGA IMAHE?

Mga 5 kabanata matapos ang utos sa itaas, sinabihan ng Panginoon si Moises na gumawa ng isang imahe. Sa Exodo 25:17-20, inutusan ng Panginoon si Moises na gumawa ng dalawang anghel na ginto upang ilagay sa loob ng Tabernakulo kung saan sumasamba ang mga Israelita. Sinabi ba na sambahin ang mga ito? Hindi, malinaw na ito ay hindi ang Diyos na pinupuntahan sa Tabernakulo.

Sinasalungat ba ng Panginoon ang kanyang sarili? Pagkatapos niyang sabihin na bawal gumawa ng inukit na imahe ay nag-utos siya na gumawa nito? Imposible naman na kanyang salungatin ang kanyang sarili!

Marami pang pagkakataon sa Bibliya na nag-utos ang Panginoon na gumawa ng mga imahe. (Num 21:8-9), (1Chr. 28:18-19) at (Ezekiel 41:17-18). kung sisiyasatin ng maigi, hindi maaaring pakahulugan ang utos na huwag lumikha ng mga inukit na imahe na kahalintulad ng kahit anong nasa langit, nasa lupa o nasa tubig sa isang paraang literal. Kung ito ay pipilitin natin na pakahulugang literal, aba'y bawal din ang mga larawan natin. Kung bawal ang "kahit anong nasa langit, nasa lupa o nasa tubig", siguradong bawal din ang rebulto ni Rizal, ni Bonifacio at ni Ninoy!

Marahil hindi ang paggawa ng imahe ang ipinagbabawal.

2.) KUNG HINDI ANG PAGGAWA NG IMAHE ANG IPINAGBABAWAL NG PANGINOON, ALIN ANG HINDI NYA IPINAGBABAWAL?

Kung itutuloy ang kautusan sa Exodo 20:5 malinaw na ang ipinagbabawal ay ang pagluhod o pagsamba sa mga ito. Sapagkat ang Panginoon ay isang selosong Panginoon, hindi nya pinapayagan na magkaroon ng ibang Panginoon maliban sa kanya.

Ang Katoliko ba ay sumasamba sa mga imahe?

Malinaw sa turo ng katesismo, na ang mga larawan at rebulto ay isa lamang pagpapaalala sa atin ng mga wala na sa ating piling. Ito ay hindi naiiba sa ating paglalagay ng mga larawan ng ating mga mahal sa buhay sa lugar na atin silang laging maisasaisip. Ang ibig sabihin ba nito ay hindi na natin nalalaman ang pagkakaiba ng tunay at ng imahe? Hindi, sapagkat sila ay tagapagpaalala lamang.

Ang mga larawan na ito ay nagsisilbing taga-udyok sa atin upang magnilay at manalangin. Halimbawa, ang larawan ng Poong Hesus na pasan ang krus, ay nagsisilbing tagapagpaalala ng mga hirap na pinagdaanan ni Hesus upang tubusin ang ating mga pagkakasala.

3.)HINDI BA PAGSAMBA SA IMAHE ANG PAGLUHOD AT PAGDADASAL SA HARAP NG MGA IMAHE?

Pagluhod, pagdasal at ang paborito ng Pinoy, pagbili ng sampaguita upang ialay sa mga poon. Ito ba ay pagluhod at pagsamba sa kanila tulad ng ipinagbabawal? Malinaw sa mga Katoliko na ang kanilang dinasalan at binibigyang galang ay hindi ang mga imahe kundi ang mga isinasalarawan nito.Ang akusasyon na ang katoliko ay sumasamba sa mga imahe ay nakasalalay lamang sa kuru-kuro na ang pananampalataya at ang pagtanaw sa mga imahe ay imposibleng magkasama, na tila walang kakayahan ang karaniwang tao na kilalanin ang pagkakaiba ng rebulto/larawan at ng katunayan. Ito ay malayo sa katotohanan. Maaring maging mataimtim ang relasyon ng isang tao sa buhay na Kristo na inilalarawan lamang ng mga bagay na nahahawakan.

PAALALA:

"Mahalaga ring pagnilayan bilang isang Katoliko kung ikaw nga ay nananampalataya sa imahe o hindi. Ang pagsisiyasat na ito ay makatutulong ng malaki sa ating paglago sa pananampalataya. Walang larawan o imahe,gaano man kagaling ang nagpinta o nag ukit ang makapaglalarawan ng buo sa kadakilaan ng Panginoon."

Sunday, August 30, 2009

"MAGSISI NA KAYO, MGA PROTESTANTE.."


Makikita sa pabalat ng Time Magazine. "Hail Mary" (Aba Birheng Maria). Matagal ng pinagpipitagan ng mga Katoliko si Maria, subalit ang mga Protestante ay nakakikita ng mga dahilan upang ipagdiwang ang Ina ni Jesus. Sinasabi ng manunulat na si David Van Biema sa kanyang mahabang artikulo ang ganito: "Naroon siya sa paanan ng krus. bibihirang talakayin ng mga Protestante ang tungkol sa Ina ni Jesus... subalit nababatid na nila ngayon". Sa loob ng 500 taon, binabatikos ng mga Kristiyanong nananagan lamang sa Bibliya si Inang Maria! pinararatangan ang mga Katoliko na "Sobra ang pagmamahal kay Maria." Itinuturing siyang balakid sa pagdarasal ng diretso sa Diyos. Subalit ngayon pinatunayan ni Van Biema na maraming mga Protestanteng Pastor mula sa mga Presbiteriano, sa mga Ebanghelikal at sa mga liberal na Protestante ang may personal na Debosyon kay Inang Maria. Ngayon, inilalagay na rin sa mga dingding ng mga paaralang Panteolohiya ng mga Protestante ang mga larawan ni Inang Maria.

Saturday, August 22, 2009

"GINAWA KO ITO UPANG MALAMAN NINYO..."

Marami ngayon sa ating mga kapatid na Katoliko ang nalilito sa kanilang pananampalatayang kinagisnan, yun ay dahil sa may mga bagong Simbahan ang nag-usbungan sa panahong ngayon, na may mga turong hindi Diyos si Jesus at kung anu-ano pang mga maling turo. Nais nilang buwagin ang Simbahang itinatag ng ating Panginoong Jesus ang Simbahang Katoliko, tinutuligsa nila ito sa pamamagitan ng kanilang mga propaganda sa telebisyon na kung minsan nag-aaway away pa nga sila dahil sa kanilang pagkakaiba ng pinaniniwalaan. Alam nila na ang bawat salita sa Bibliya na may kinalaman sa pagkamuhi at pag-aaway, subalit salat sila sa kaalaman mula sa Bibliya tungkol sa Pag-ibig at Pagpapatawad sa isa't isa. Ibang-iba ang Ebanghelyong kanilang ipinangangaral sa Ebanghelyong kanilang isinasabuhay. "Tanging sa pag-aatake at pagtuligsa sa Simbahang Katoliko lamang sila nagkakasundo", tulad ng sinasabi sa Banal na Kasulatan nang dumating ang sandali ng pagpatay kay Jesus, "Nang araw ding iyon ay naging magkaibigan si Herodes at Pilato sa isa't-isa, sapagkat sila'y dating magkagalit."(Lc 23:12)

May mga dating Katoliko ang nagsasabi na "Hindi batay sa Bibliya ang pananampalatayang Katoliko, at kung totoo ang Simbahang Katoliko, bakit walang disiplina sa simbahang iyan? Bakit marami itong mga lumang kaugaliang walang kahulugan?" Naku! kung hindi natin kilala talaga ang Simbahang Katoliko, paano natin nasabing mali ito? Bawat bagay na napapansin natin na ginagawa nating mga Katoliko ay may mga kaukulang paliwanag, at ito'y Obligasyon nating alamin sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga kaparian o sinumang taong may lubos na kaalaman tungkol sa ating pananampalatayang Katoliko, kung minsan naman ito ay ipinapaliwanag sa oras ng Banal na Misa, at tungkol naman sa sinabing walang disiplina at may mga lumang kaugalian, maaring tama sila pero tandaan natin na ang Simbahang ito ang unang nagbigay sa atin ng kaalaman tungkol sa Bibliya at kay Jesus. Tingnan mo may lola ako, matanda na siya , hindi siya kailanman nagsuot ng mga modernong damit at nais niyang panatilihin ang mga lumang kaugalian, muka siyang hindi maganda lalo na't pinakulubot ng katandaan niya ang kanyang mukha, subalit mahal ko siya, siya ang nangalaga sa akin ng buong pagmamahal. Kinilala natin sana na mas maige ang Simbahang Katoliko bago ito iniwanan.

"BAKIT NGA BA INIIWANAN NG MGA KATOLIKO ANG KANILANG PANANAMPALATAYA?"

Dalawa ang pangunahing dahilan: (1) Kawalan ng disiplina na nakikita nila sa Simbahan - Dahil narin sa karamihan ng kasapi nito. (2) Kamangmangan - Marami ang gumagawa ng mga tradisyonal na kaugaliang Katoliko na hindi alam kung bakit nila ato ginagawa. Naging patabang lupa ito kung saan inihahasik at yumayabong ang mga bagay laban sa Katoliko. Isang bagay lamang ang tanging nais nating itanong sa ating Panginoong Jesus, "Mali ba ang pananampalatayang ipinangangaral namin? hindi mo ba ito sinusoportahan Jesus..." At isang bagay lamang din ang papasok sa ating isipan habang itinatanong ito. " Alam ng Diyos kung paano niya aakayin ang kanyang Simbahan..."